The Quest for the Missing Tsinelas

“Ang tunay na pag-ibig ay parang tsinelas, gaano mang karami ang sapatos na dumaan, ang tsinelas parin ang iyong babalik-balikan…”
Nahanap mo na ba ang tsinelas mo? Ako hindi pa.

Madami nang nagdaan na sapatos sa buhay ko, ung iba nakatago parin hanggang ngayon sa bodega. Di ko maitapon-tapon kahit na alam ko namang di ko na iyon magagamit. Tulad nun combat boots na ginamit ko noong COCC palang ako sa hayskul. Ang combat boots ay kumakatawan sa kanya na matagal nang nandiyan. Alam kong ayaw ko nang gamitin pero dahil sa sobrang dami nang alaala na nagawa naming kasama ang isa’t-isa, kung minsan ay bigla na lamang akong napapadpad sa bodega para tignan at balikan ang mga alaala.

Meron naman akong isang sapatos na sobra sa kabaduyan. Noong binili ko yun, lahat ng tao sinasabi sa akin na di sya maganda. Pero matigas ang ulo ko, sa aking pananaw, ako ang makakapagpabago sa kaniya. Akala ko pag ako na ang nagsuot ay magmumukha na syang sosyal, di bakya. Wala akong pakialam sa sasabihin ng iba, gusto ko siyang suotin. Pero pagkatapos ng maraming kahihiyan, sumuko din ako. Natanggap ko din na di lahat ng sapatos bagay sa akin.

Meron din namang sapatos na gustong-gusto ko pero di ko mabili-bili. Ito yun tipo ng sapatos na alam kong mas bagay sa ibang paa. Iyong tinitignan ko na lang mula sa malayo. Sapatos na kahit kalian ay di ko mabibili dahil masyado mahal o di lang talaga maganda tignan sa paa ko.

Meron akong paboritong sapatos. Ung kahit na ilang beses na nasira, pinipilit ko parin ipagawa. Kahit na gaano na katagal at kahit na marami na gasgas, sa paningin ko ay nakakapagpasaya parin ito sa akin. Sya ang sapatos na minsan masakit isuot, pero kahit ganun sinusuot ko parin dahil alam kong maganda. Nasasaktan man ako ay di ko inaalintana dahil sa paningin ng iba, ito ay ang sapatos na pinakanararapat sa akin. Gusto ko rin naman pero may mali. May kulang na “oomph” kumbaga.

Masarap din sa paa ang sneakers. Pang-harabas na masasabi. Ito yung kapag may gagawin ka na kakailanganin ng lakas e sinusuot mo. Ito un ginagamit mo pag sawa ka nang masaktan. Ito un ginagamit mo pag gusto mo lang na may masuot kasi sa kanya ka pinakakumportable. Ito yung nagpupuno sa kawalan ng tsinelas sa buhay mo. Ito yung kahit na alam mo na sa katapusan ay mawawala din sya at mapupudpod at darating din ang panahon na di mo na siya masusuot dahil napagod na rin sya ay inaasahan mo parin. Mawawala rin sya dahil ayaw na rin niya na maging panakip-butas lang sa mga pangangailangan ng paa mong pagod na.

Yan ang storya ng paa ko.Marami nang kalyo, marami nang gasgas pero patuloy parin sa paglakad. Kahit na ilang beses na nasasaktan, tuloy parin sa pagsuot ng mga sapatos na mukhang magtatagal. Kahit na di ganun kaperpekto ay patuloy parin sa paghahanap ng sapatos na maglalabas ng kagandahan na di na masyadong nakikita.

Sa tingin ko walang masama sa pagsusuot ng sapatos. Ang tsinelas naman kasi masyadong mahiyain, masyadong tahimik. Yung iba nahanap na nila ang tsinelas nila, pero ako umaasa parin na balang-araw, ang tsinelas na un ay bigla ko na lang makikita habang naglalakad-lakad ako at patuloy na hinaharap ang mabakong kalsada ng buhay. Pero habang wala pa siya ok lang. Marami pa namang sapatos na magtatakip ng kalungkutan at kapaguran ng mga paang ito.

No comments:

Post a Comment

The Elevator Groupie

We are all made to believe that we should be headed in the same direction, inside a seemingly restrictive box that gives us free will a...