Masaya ka ba?
Minsan ay nakikita ko sa iyong mga mata
na pilit mong kinukubli ang kalungkutan
na unti-unting bumabago sa iyong pagkatao.
Kung minsan ay gusto kong akapin ka
upan iyong malaman na nandito ako, hindi
bilang isang estrangherong dumating
upang umalis muli kundi bilang isang
mahiyaing anino na handa kang alalayan
sa iyong mga laban. Marahil ay madalas mo
akong naapakan, di man sadya ay nalilimutan
mong alamin kung nakakayanan pa ng aking
nagkukumahog na puso ang mga pangyayaring
nagmula sa iyong di dumadaloy na luha.
Lumuluha din ako, di man ito maaninag
ay marahil nadadama mo ang pagdaloy nito
kasabay ng pagdamay ng mga ulap sa aking
nananaghoy na kaluluwa. Gusto kong makitang
mahina ka hindi upang masaktan ka kundi upang
mapawi ng aking mga labi ang iyong pagsuko
na marahil ay habambuhay mong itatanggi
sa mundong sa iyong gunita ay pinagtatawanan ka.
Masaya ka ba? Wag kang mangamba,
ang kasiyahan ay nalalapit na.
No comments:
Post a Comment