
In Tagalog:
Nung tiningnan mo ba ako, nakita mo rin ang takot
na dinala nito? Naaninag mo ba ang pagaatubili,
ang pagtatago na pilit kong pinapalitan
ng pagngiti at paghawi ng aking buhok na sa totoo
lang ay hiniling ko na takpan na lang ang aking pagkatao?
Nang hinawakan ba kita, nalaman mo na handa na
Akong ibigay sana ang pagtitiwala, ang pagkalinga
At ang pagmamahal ng nangungulila kong puso?
Pasensya ka na, mapatawad mo sana ang lahat
Ng pagtunganga, pagtahimik at pagsasawalang-
Bahala na ginagamit kong sandata laban sa’yo.
Hindi naman talaga laban sa’yo, kundi laban
sa posibilidad na maaari akong mahulog
at mapahamak sa pagtugon sa mahina pa
sanang tinig na nagsasabing ikaw, sana ikaw,
pwedeng ikaw, bakit ikaw? Mas malakas kasi
ang tinig na nagsusumamo na
sa ganitong pagkakataon, mauna na muna ako,
isipin ko muna ang sarili ko, mahalin ko muna ako.
Bakit hindi ako? Kasi pag nangibabaw nanaman
ang ikaw, magmimistula nanamang saling-pusa
lamang ang ako na sana’y maging bida naman
ng storyang tinatawag ko paring buhay ko.
Nang di natin namalayan na magkadikit na
ang ating mga tuhod, hita, kamay, mukha,
damdamin! Ako lang ba o parang sanay na sila
na magkasama? Ako lang Ba o parang matagal
nang hinintay kita? Ako lang ba o nanumbalik na
ang parating palang nating alaala? Ako lang ba?
Ikaw rin ba? Pero sa pagtatapos ng mahaba
At masalimuot na tanungang ito, Ang tanong parin
ay kung pwede nga rin ba ang tayo? Ako lang ba?
Itutuloy mo parin ba ang paghabol
sa kayo? Muli, natatakot nanaman ako. Kasi
kung tama ang palagay ko, matatapos na
kasabay nito ang guni-guni ko na sana tayo.
Kasi ang paglalaban ng kayo at ng tayo, yung
Huli ang medyo dehado. Sana lang sa desisyon
Mo, kahit na konti, maisip naman ako.
At ang paglalaro na laging taya ang puso ko.
-------------------------------
In English: Where are you and what’s up?!
No comments:
Post a Comment