Gusto kong isulat ang storya nating dalawa. Pero nangako ako na di magsasalita. Maraming magagandang bagay ang sana'y masasabi ko, pero natatakot ako na matatabunan lang iyon ng katapusan na ginawa natin. Minsan iniisip ko kung naiisip mo na dapat di mo ko pinakawalan. Tapos sinasabi ko sa sarili ko na di mo un maiisip kasi unang-una, di naman ako naging sayo, katulad lang din ng katotohanan na di ka naman naging akin. Naalala ko un mga panahon na napapangiti ako ng mga maliliit na bagay na ginagawa mo, dapat pala di na lang ako ngumiti. Kasi kung pinigilan ko ang sarili ko, baka napigilan ko din na masaktan. Sa ngayon di parin ako makapaniwala na wala lang lahat un. Siguro nga inimbento ko lang na merong kahit konti na nangyari sa ating dalawa. Kasi nga diba, di talaga?

Ayoko na sana magsulat tungkol sayo pero kung di ako magsusulat ngayon, baka dumating ang panahon na di ko na maalala ang mga nararamdaman ko at di ko na mabigyan ng buhay ang mga salita. Di lang ako ang naniwala, marami sila. Mas mahirap para sa akin dahil nahihirapan akong ipaliwanag kung bakit di tayo pwede. Masaya ako na magkaibigan parin tayo. Masaya ako na natulungan kita na mailabas mo kung ano ang matagal mo nang itinatago. Natutuwa ako na kahit sa sandaling panahon na inakala kong may pag-asa tayo, naramdaman ko uli na kaya ko nga palang maniwala parin. Ang nakakalungkot, bumalik nanaman ako sa ganito.

Bakit nga pala ulit di tayo pwede? Dahil ba may iba kang mahal o dahil di lang talaga ako ang gusto mo? Magkaiba kasi un. Un may iba kang mahal masosolusyunan pa sana. Kasi ang pagmamahal pwede naman ibaling, lalo na kung di naman sa ayaw mo ako. Pero un pangalawa, ung di lang talaga ako ang gusto mo... un ang mas mahirap at mas masakit. Ibig sabihin ako un problema. Katulad ng dati. Ako nanaman ang problema.

Sala sa init sala sa lamig ang kapalaran ko. May mga panahon na ako ang problema kasi masyado daw ako malamig. Madali daw para sa akin ang magpaalam. Tapos pag naman nagpapaka-sensitibo ako, pag pinili ko naman na ipakit ang kahinaan ko, sasampalin naman ako ng katotohanan na di ako sapat. Di na yata mangyayari na magiging sapat ako para sa kahit kanino. Katulad din ng pagiging di ko sapat sa mga iba't ibang aspeto ng buhay ko.

Ayoko na magsulat tungkol sayo. Pero paano ko un gagawin kung sa tuwing nag-iisip ako at sa tuwing gumagalaw ang kamay ko, wala na ito gusto talakayin kundi tayong dalawa. Hindi pala, kung bakit HINDI NAGING TAYONG DALAWA. Ito lang sa ngayon ang bagay na marami ako masasabi. Hanggang ngayon, hinahanap ka parin nila sa akin. Minsan, nararamdaman ko na sa paningin nila, meron tayong storyang di natapos. Di ko naman masabi na di naman talaga un nagsimula. Ngumingiti parin ako. Minsan patay malisya na lang kasi napapagod na ako. Madalas tinatawanan ko lang.

Mahirap ang pinagawa mo sa akin. Mahirap na walang pagsabihan. Pero dahil magkaibigan tayo, nagagawa ko parin un. Di mo kailangan magpasalamat, di mo rin ako kailangan kausapin pag nabasa mo ito. Sapat nang magkalayo tayo at hinahayaan natin na mabuhay ang isa't isa na parang normal parin. Gusto ko parin na maging masaya ka, sana gusto mo rin na maging masaya ako. Maligayang Pasko. Ngumingiti parin ako pag naaalala kita.

1 comment:

  1. I love the way you write in Tagalog.

    Gusto ko lang sabihin na naiintindihan ko ang sinulat mo. Tagos ang sakit sa puso ko. Pareho tayo ng nararamdaman.

    Ang saklap.

    Take care.

    ReplyDelete

The Elevator Groupie

We are all made to believe that we should be headed in the same direction, inside a seemingly restrictive box that gives us free will a...