Pasensya ka na kung nagbago
Ang lahat na bunga ng katatawa-
Nan dito sa utak kong singgulo
Ng ekonomiya at sing-praning
Ng loka-loka. Gusto naman sana
Kita pero nakita kita na kasama sya
Na parang paalala na marami pa
Sila at ako ay mag-isa. Pasensya ka
Na kung parang di ka nakita
At kung nakita man kita
Ay kinausap ang iba at kung
Kinausap ka parang galit pa.
Ang taga-hanga mo kasi ay sadyang
Tatanga-tanga at takot na takot
na sa mga alaala na iniwan ng iba
Na pinapasok naman sana sa mundo
Nyang malala at madalas ay tulala.
Pasensya ka na sa lahat ng pagdududa
Sa intensyon mong malinaw pa
Sa mata ng mga bata na mas magaling
Pa sa pagdadala sa sitwasyong katulad
Kanina. Tumango naman ako, tumingin
Sa malayo kahit ang ulirat ko ay naiwan
Naman sa’yo na naglakad at lumayo.
Kung gusto mo naman sya, ayos lang
Sana. Pero sigurado ka na ba? Kasi
Gusto kita kahit di masyadong halata
At kung sakaling halata kalimutan mo na.
Pasensya ka na sa kaibigan mong aligaga
Na ang dilang madada at nagmamakaawa
Ay di kayang palabasin ang mga hinihintay
Na salita. Pwedeng gusto mo ko, pwede
Rin namang ayaw mo pero kung ako sa’yo
Wag mo naman ako isuko. kasi nga ganito
Naman ang natitirang pangako, sa kaguluhan
Ng tulang ito, isa lang ang sigurado, pag
Ako ang pinili mo, ititigil na ang paglalaro.
No comments:
Post a Comment