Liham
1.
Kaninang madaling-araw,
dumungaw ako sa bintana at buong-lakas na isinigaw
ang iyong pangalan. Nangatal ang mga dahon.
Patuloy na nagsayaw ang nag-iisang gamugamo
sa paligid ng umaandap-andap na ilaw-poste.
Umusad ang mga ulap. Nagkubli ang buwan.
Walang sinumang lumingon.
2.
Gusto kong ipaalam sa iyo
kung gaano nang kahirap ang dumilat.
Nagdurugo ang kalawakan
sa bawat kong pagtingala, nagiging simbigat ng tingga,
at wala na akong magawa kundi abangan
ang marahas nitong pagbulusok.
Ilang libong taon nang uso
ang kamatayan, sabi ng isang makata, at oo,
ilang libong taon na nga tayong binabagabag
ng mga hangganan, ngunit iyon at iyon pa rin
ang katahimikang sumasakop sa ating mga lalamunan
sa tuwing napagtatantong di na babalik ang lumisan.
Iyon pa rin ang mga pagnanasang
alam nating di kailanman makakamtan:
Gusto kong isiping naririnig mo ako,
nababasa mo ito, at sa gilid ng papel,
napapansin mo ang isang linya, nangungulila,
walang mapagsingitan: Nasaan ka na?
Kayhirap magtanong nang walang tumutugon.
Kayhirap pumikit nang nalalamang
kadiliman din lamang ang sasalubong
sa aking pagdilat.
3.
Kailangan kong magpatuloy.
Sapagkat may mga bagay na hindi mo nagawa.
4.
Kayraming balakid sa paglimot: Dalawang talukap,
kalahating kabang langib, isang tabong dugo.
Sa pader ng kusina, sintaas ng tuhod,
may sampulgadang linya. Iginuhit mo iyon, dati,
gamit ang pulang krayola. Hanggang dito
ang inabot ng huling baha. Sandakot na abo.
Singsing, kupas na salamin. Pitak
sa marmol na sahig. Sa ibabaw ng aparador,
may bukbuking kahon, puno
ng mga luma mong liham. Paminsan-minsan,
ibinababa ko pa rin iyon, hinaharaya
ang tinig mong binibigkas ang mga linya.
Hindi mo kailangang magpaliwanag.
Naiintindihan kita. Butas-butas na maleta.
May-lamat na kopita. Kalawanging kuwadra
ng mga ibon. Sa tokador: Ilang aklat. Kuwaderno,
listahan ng mga ipamimili. Huwag
kalilimutan! Tinitigan ko nang masinsin
ang lahat nang ito, isinilid sa isang baul,
pilit pinagkasya sa bukbukin kong puso.
Sa hardin, nakaukit sa sandalan ng bangko,
isang puso, pangalan mo, pangalan ko,
Mayroon pa bang kulang? Mayroon
pa bang naiwan? Sapagkat
kailangan kong sunugin
ang lahat nang natira.
5.
GAMUGAMONG NAGSASAYAW:
Kaylapit nang magliwanag,
ngunit di ko matiis na lumapit sa iyong init.
UMAANDAP-ANDAP NA ILAW-POSTE:
May hanggan ang halat.
GAMUGAMONG NAGSASAYAW:
Alam kong kapag lumapit ako nang tuluyan,
masusunog ako.
UMAANDAP-ANDAP NA ILAW-POSTE:
May mga pagkakataong kailangan nating magpasya.
GAMUGAMONG NAGSASAYAW:
Ngunit kaydilim ng lungsod! Kaylamig!
Kailangan ko ng kapirasong liwanag.
Iyon lamang, at maaari na akong pumanaw.
UMAANDAP-ANDAP NA ILAW-POSTE:
Huwag nating pag-usapan ang kamatayan.
6.
Kailangan kong magpatuloy.
Sapagkat malapit nang magliwanag.
7.
Gusto kong pagkasyahin sa iilang saknong
itong dambuhalang kadilimang dumaragan
sa kumikipot at kumikipot kong sulok ng lungsod.
Ngunit paano? Kung bukas, may maalala ako,
isusulat ko na lamang iyon sa lumang diyaryo,
sa likod ng kalendaryo, ibubulong sa mga ibon,
iguguhit sa hangin, at saka hihipan.
Aasa na lamang na babalik sa akin ito
bilang hininga, o ulan. Aasa na lamang
na maririnig mo ako. Gusto kong isigaw,
paulit-ulit, buong-lakas, ang iyong pangalan.
Gusto kong bulungan ako ng bintana
gamit ang nangangatal mong tinig.
Kayrami ko pang gustong sabihin,
ngunit sadya nga sigurong tungkol ito
sa mga hangganan. Gusto kong maglaho
ang lahat ng hangganan. Gusto kong
ipagbawal ang kamatayan.
Gusto ko nang pumikit, at dumilat
nang hindi nangungulila, nakaantabay
sa muling pagliwanag ng kalawakan,
at naririto pa rin, palagi,
umaalala.
-----------
written by Palance 2008 winner, Mikael de Lara Co
Legally Blunt's introvert mind expressed through her extrovert heart.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
The Elevator Groupie
We are all made to believe that we should be headed in the same direction, inside a seemingly restrictive box that gives us free will a...
-
My Doctrine of Transformation the life that i used to live will now be repealed by the path that im beginning follow. Future habits will o...
No comments:
Post a Comment