Ang Pagtingala


Ikaw na hinihintay ko pa,

Hinahanap nanaman kita, katulad ng maraming mga gabi na ramdam na ramdam ko ang pag-iisa. Katulad ng maraming mga pagkakataon na hinihiling kong sana nandito ka na. Minsan may mga oras na hindi ko maintindihan kung paanong naiisip pa kita habang pinapaligiran naman ako ng lahat ng bagay at taong masasaya. Na kahit ilang beses akong tumawa, ang isip at lalong ang puso ko ay sumisigaw na ang lungkot lungkot na.

Sana balang araw masabi ko sayo kung gaano kahirap na wala ka at maiintindihan mo kung bakit ipinagdasal ko na dumating ka na. Gusto ko na sanang maramdamang katanggap tanggap ding maging mahina. Gusto kong marinig mula sayo ang kasiguraduhan na kapag ayoko nang magpatawa ay ikaw naman ang pipilit sa aking tumawa, na kapag pinagsisigawan kong kaya kong mag-isa ay mas ipagpipilitan mong maging kasama ka.  

Hindi na ako makapaghintay na makilala ka. Dahil alam ko na kapag naiiwan akong maglakad habang nagkukwentuhan tayo ay patago mong babagalan ang lakad mo para makasabay kita.Dahil alam ko na kapag ginagampanan ko ang responsibilidad na magpasaya ng iba ay mahahagip parin ng mga mata mo ang lungkot sa aking mata at sasabihin mo sa akin na tigilan ko na. Dahil kapag naramdaman mo na natatakot akong mahalin ka ay ikaw na mismo ang magbabalot ng mga kamay ko sa iyong palad para muling ipaalala na hinding-hindi ka na bibitaw pa. Dahil bawat detalye ng araw ko ay mananabik kang bigyang halaga at hindi mo hahayaan na sa pag-ibig mo ay may mamuo pang kahit anong duda. Dahil kapag sa pakiramdam ko ay mas marami pa sanang iba ay matapang mong ipapagsigawan sa mundo na, “Nagpursigi rin akong mahanap ka.”

Gusto kong malaman mo na handa na akong mahalin ka. Gusto kong malaman mo na ang pagmamahal na inipon ko sa puso ko ay pagmamahal na handang walang pag-aalinlangan na magpaubaya. Kahit ilang bituin pa ang kailangan kong hintayin at kahit ilang hiling pa ang kailangang hilingin – hindi ako magsasawang tumingala.

Ikaw ang natitirang permanenteng pangarap ko. Ikaw ang magpapahalaga ng mahalagang buhay ko.

Naghihintay,
Ako


Share/Bookmark

2 comments:

  1. galing! nicely said, nicely written :)

    ReplyDelete
  2. Thank you for reading my blog! Do I know you? :)

    ReplyDelete

The Elevator Groupie

We are all made to believe that we should be headed in the same direction, inside a seemingly restrictive box that gives us free will a...