PAGHINTO




Minsan dumadaan ang mga araw na parang ikaw ang dinadaanan nito, na parang habang nakatayo ka lang, ang mundo ay masigasig na pinapakita sa’yo na tuloy tuloy parin ang pag-ikot nito kahit ayaw mo. At kahit ilang beses mong isigaw na gusto mo munang magpahinga, na gusto mo munang maramdaman na kaya mong mag-isa, ang isip at puso mo ay sumisigaw na hindi pwede at hindi mo kaya.

Nginingitian mo sila, ang mga tao na parte na ng nakasanayan mong mundong gumagalaw nang may pag-asa, kakausapin at mamahalin, dahil kung hindi, baka malaman nilang ika'y unti-unting humihina.

Baka maiwan ka at hindi mo na mamalayan na ang hiningi mong panandaliang pag-iisa ay naging patuloy na ang paghalina.

May mga araw na gusto mong maging mahina, na gusto mo maranasan na hayaan ang iba na ikaw ay alalayan at alagaaan nang may kusa.

At sa mga araw na iyon, maiisip mo na pinanganak ka mang mahina, na dinaya mo man ang iba sa pagpapakita na wala kang inaalintana, ang tunay na lakas ay ang pag-amin sa katotohanang hindi mo inakala.

At gustuhin mo man, parang hindi mo na kayang mapaniwala na pagkatapos ng lahat ng sakripisyo at pagpaparaya, sa pag-iyak mo ay may magpapawi pa ng iyong mga lihim na luha.

Pero ano ba ang kinakatakot mo?

Nakaya mo na hanggang dito, walang dahilan para magduda kang matatapos mo hanggang sa dulo.

At kung dinadaanan ka lang ng mga araw, at iniikutan ka lang ng mundo, pwede namang hayaan mo lang muna at sa malayo ay panoorin ito.

Kung kailangan mong tumigil, tumigil ka. Hindi para sumuko kundi para sa susunod na pag-ikot ng mundo, muli ay handa ka nang sumabay nang panaka-naka.

Maging masaya ka, hindi para sa iba kundi para sa puso mong nagsumikap at nagtiis para maging masaya.

Hindi sa lahat ng panahon ikaw ay tinitingala. At lalong hindi habambuhay na mananatili kang nasa baba.

Minsan ikaw ay nasa gitna ka, nagiging matatag, magmamasid at ang tanging pinapanghawakan ay ang iyong paniniwala.


#Photords #introvertmindextrovertheart #LegallyBlunt #Photography #blackandwhitephotography #BlackAndWhite #photooftheday #Poetry #TheStalkerPicsSeries #LegallyBlunt #LegallyGrunt #RealityEverAfter #writersofinstagram #buttonpoetry #listen #findyourvoice #instapoet #shortform #instapoetry

No comments:

Post a Comment

The Elevator Groupie

We are all made to believe that we should be headed in the same direction, inside a seemingly restrictive box that gives us free will a...