Summa cum laude Donald K. Ngwe on behalf of the graduates

Mga miyembro ng Lupon ng RehentePangulong Emerlinda RomanChanselor Sergio CaoAting panauhing pandangal Dr. Edgardo GomezMga dekano ng iba’t-ibang kolehiyoMga miyembro ng kaguruanMga natatanging bisitaMga mahal na magulang, kaibigan, at kapwa nagsipagtapos…
Isang mainit na pagbati sa inyong lahat.

Simula noong hapon hanggang ngayong gabi, tayo ay nagkasama-sama para sa isang katangi-tanging okasyon. Ngayong gabi, sabay-sabay nating gunitain ang unibersidad, ang karunungang ipinamahagi nito sa atin, at higit sa lahat, ang ating pagtatapos. Ang unibersidad natin, parang bahay ni kuya. Tayo ang mga housemates—kanya-kanya ang mga hangarin, mga problema, at mga pinapangarap. Ang ilan sa atin, magkakapamilya. Ang iba naman, magpapayaman. Ang iba, uuwi sa probinsya at tatakbong konggresista. Habang ang iba, mamumundok upang hanapin ang sarili. Mga iskolar man tayong lahat, iba-iba pa rin tayo ng pinanggalingan at patutunguhan sa buhay.

Sa likod ng mga pagkakaiba natin bilang mga indibidwal, ang katotohanan pa rin ay tayo’y nagkakaisa. Para tayong mga housemates na may kanya-kanyang personalidad pero iisa pa rin ang hangaring tumagal sa bahay ni kuya. Masscomm ka man o Educ, BA o FA, ikaw, iskolar, ay nagmimithing mapabuti ang kalagayan ng ating bansa. Nais mong mabatid, sa iyong paglisan sa unibersidad, na ika’y naging bahagi sa pagbibigay lunas sa iba’t ibang sakit ng ating lipunan. Ito ang isa sa pinakamahalaga at di-mabuburang aral na dapat nating dalhin sa labas ng unibersidad. Ito ang tatak UP!

Mga kaibigan, hindi mahirap maghanap ng paraan upang makamit natin ang ating layunin. Sa ginawa nating pagsusumikap na magtapos ng kolehiyo, ipinamalas natin ang pinakamabisang paraan ng pagsulong sa ating bansa: ang pagtuklas sa katotohanan. Ako, bilang mag-aaral mula sa Econ, ay natutong intindihin ang tunay na dahilan sa pagtaas at pagbaba ng piso. Kayong mag-aaral mula sa KAL at mula sa Music, ay naghanap ng kagandahan at silbi sa pamamagitan ng iba’t ibang uri ng sining na katutubo sa ating bayan. Kayo, mula sa CS, CSSP at Eng’g ay nagpatunay sa mga konsepto at palaisipang kayo lamang at ang Diyos ang nakaiintindi. Gaya nga ng mga housemates ni kuya, mayroon din tayong sari-sariling mga diskarte at pamamaraan upang magtagumpay. Lahat tayo ay nagsilbing susi sa paghahanap ng katotohanan, sa iba-iba mang paraan, sa iba-iba mang larangan.

Hindi tayo mag-isang naglakbay sa UP. Nariyan ang mga taong walang humpay ang suporta sa atin—ang ating mga magulang, na pawis at dugo ang ipinundar upang tayo’y pakainin, pag-aralin, at patabain sa kabutihang asal; ang ating mga guro, na nagpayaman sa ating mga isipan sa kabila ng mababang sahod; ang mga kawani at non-teaching staff na nagtrabaho mula umaga hanggang gabi upang mapadali ang buhay natin sa unibersidad. Tatay, nanay, prof, ate, kuya, klasmeyt, sa lahat ng gumabay at tumulong sa amin… maraming maraming salamat.
Ngunit huwag nating kalilimutan ang mamamayang Pilipino, na siyang nagtustos sa ating pag-aaral. Kung daan-daang tagahanga ang naghihintay sa tuwing lalabas ang isang housemate, milyun-milyong Pilipino ang naghihintay sa bawat isa sa atin upang sila’y ating pagsilbihan at upang magampanan natin ang ating tungkulin sa sambayanan.

Kaya nga mga kasamang nagsipagtapos, gamitin natin ang ating galing sa masigasig na pagtupad sa ating tungkulin. Bilang mga musikero, payamanin ninyo ang musikang Pinoy sa paglikha ng mga natatanging obra. Bilang mga mamamahayag, iulat niyo lamang ang balitang tama at tapat sa diyaryo, radio, at telebisyon. Bilang mga guro, gabayan ninyo ang mga susunod na henerasyon tulad ng paggabay sa atin ng ating mga mahal na propesor. Mga inhenyero, protektahan ninyo ang kapakanan ng mga mahihirap habang pinapalakas ang imprastrakratura ng kanayunan. Mga negosyante, kawani ng gobyerno, at kapwa ekonomista, magpatupad kayo ng mga patakarang makapagpapaginhawa sa bawat sektor ng ating lipunan. Sa lahat ng ito, marapatin nating gawing batayan ng ating tagumpay bilang tao kung gaano tayo nagpakatotoo sa ating mga sarili, at sa mga mamamayan ng ating bansa.

Nakalulungkot mang isipin, hindi namamayani ang katotohanan sa lipunang ating ginagalawan at kinabibilangan. Kung minsan nga, ang katotohanan ay nasa harap na, ngunit malungkot mang aminin ay walang nagnanais tumanggap dito. Tinatawag ang ating henerasyon na harapin ang mga isyung bumabalot sa lipunan natin. Gamitin natin ang ating lakas at talino sa pagpapaunlad ng sarili nating bayan, sa halip na lumikas na lamang sa ibang bansa. Sama-sama nating palakasin ang ating ekonomiya, habang tinitiyak na mapapabuti ang kalagayan ng mga mahihirap. Patunayan natin sa lahat na kaya nating maging isang matatag na bansa sa pamamagitan ng tamang pagbayad ng buwis, sa matuwid na pagsunod sa batas, at sa buong-pusong pagtupad natin sa ating tungkulin bilang Pilipino.

Mga kaibigan, ito na ang simula ng ating pagharap sa reyalidad ng mundo, ang mundo sa labas ng unibersidad. Ito na ang simula ng susunod na yugto ng ating kasaysayan. Ito na ang teleserye ng totoong buhay.

Mabuhay ang iskolar ng bayan! Mabuhay ang UP!
Donald K. Ngwe

-------------
huli man daw at magaling, congrats sa mga graduates at Iskolar ng Bayan.
Donald, sabi ko na nga ba nag-iisa ka, thanks for being a source of joy back when I was still in UP!

[from www.upd.edu.ph]

No comments:

Post a Comment

The Elevator Groupie

We are all made to believe that we should be headed in the same direction, inside a seemingly restrictive box that gives us free will a...